State of the Nation Address
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
To the Congress of the Philippines
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
To the Congress of the Philippines
[Delivered at the Session Hall of the House of Representatives, Batasang Pambansa Complex, Quezon City, on July 22, 2013]
Marami pong salamat. Maupo ho tayong lahat.
Bise Presidente Jejomar Binay;
Senate President Franklin M. Drilon; Speaker Feliciano Belmonte Jr.;
Chief Justice Maria Lourdes Sereno at ang ating mga kagalang-galang na
mahistrado ng Korte Suprema; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at
Joseph Ejercito Estrada; mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang
diplomatiko; mga miyembro ng Senado at Kamara de Representante; mga
opisyal ng lokal na pamahalaan; mga miyembro ng Gabinete; mga
unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa ko nagseserbisyo
sa taumbayan; at sa aking mga Boss, ang mga minamahal kong kababayan:
Isang , magandang hapon po sa inyong lahat. [Applause]
Ito po ang aking ikaapat na
SONA; dalawa na lamang ang natitira. Halos apat na taon na nga po ang
lumipas nang una akong nilapitan ng ilang kampo upang hikayating tumakbo
sa pagkapangulo. Ang sabi nila: Alam naming hindi masosolusyonan sa
isang tulog, sa isang taon, o kahit pa sa anim na taong termino ng isang
Presidente ang lahat ng problema ng bansa. Pero simulan mo lang, at
tiyak, kasama mo kaming mag-aaruga nito.
Noon pa man, mulat po ako sa
tindi ng mga problemang aking kakaharapin. Mula sa pagiging kandidato, o
Presidente na, o kahit ba matapos nang makababa sa puwesto, hindi biro
ang peligrong kakambal ng trabahong ito. Malawakang transpormasyon ng
lipunan ang aking hangarin, at mulat akong marami akong kailangang
banggain para matupad ito. Pero hindi po ako pinalaki ng aking mga
magulang para tumiklop lamang sa mga hamon. Hindi ko mahaharap ang aking
sarili kung tinanggihan ko ang pagkakataong bawasan ang pagdurusang
hindi naman dapat dinaraanan ng Pilipino. [Applause]
Tumugon nga po tayo sa
panawagan, at ang mga kasama natin noong una, nadagdagan pa. Sa
paniniwala ko nga po, kung tama ang aking ginagawa, lalo pang dadami ang
ating magiging kasangga. Nito ngang nakaraang Mayo, tinanong ko kayo,
“Boss, tama ba ang direksyon natin?” Ang tugon ninyo: “Tama, at
pabilisin pa natin ang transpormasyon ng lipunan.” Humiling ako ng mga
kakamping makikisagwan sa iisang direksyon, at ibinigay ninyo ito. Ang
totoo nga po, hindi lang mayorya, hindi lang siyam sa labindalawa, kundi
siyam sa sampung pinakamataas na puwesto na senador ay mga taong
inilapit ko sa inyo. [Applause] Sa aking pakiwari, malinaw po
ang mensahe nitong huling halalan: tama, ituloy natin, damihan pa natin
ang 8,581 na sitiong napailawan; dagdagan pa natin ang 28,398 na
pamilyang dati’y informal settler, ngunit ngayon ay mayroon na o
magkakaroon na ng disenteng tirahan; palaguin pa natin ang di bababa sa
40 bilyong piso kada taong dagdag ng perang napupunta sa edukasyon,
kalusugan, serbisyong panlipunan, at marami pang iba, dahil sa tama at
mas masugid na pagkolekta ng buwis; dama namin ang marami pang ibang
patunay na talagang nagbabago ang lipunan. Lalo nga po akong nabuhayan
sa ipinarating ninyong mensahe; malinaw po talagang hindi ako nag-iisa
sa pagpasan ng mga responsibilidad. [Applause] Paano ba naman
pong hindi lalakas ang aking loob, kung pati ang mga tulad ni Ginoong
Niño Aguirre ay nakikihubog sa ating kinabukasan? Isipin po ninyo, hindi
na nga makalakad dahil sa kapansanan, pilit pa rin niyang inakyat ang
presintong nasa ikaapat na palapag ng gusali, para lang makaboto at
makiambag sa tunay na pagbabago ng lipunan. Salamat, Ginoong Aguirre. [Applause]
Hindi nga po nauubos ang mga
Pilipinong handang makiambag, na siyang ugat ng pagbabagong tinatamasa
natin ngayon. Ang stratehiya: Sagarin ang oportunidad para sa lahat,
lalo na para sa mga mas nangangailangan. Hindi natin pakay maghintay ng
trickle down; hindi puwedeng baka sakali o tsamba lang silang daratnan
ng mga biyaya ng kaunlaran. Ito pong tinatawag nating inclusive
growth—itong malawakang kaunlaran—ang mismong prinsipyong bukal ng bawat
inisyatiba, bawat kilos, bawat desisyon ng inyong gobyerno. Ang maiiwan
na lamang ay ang ayaw sumama, dahil hindi sinamantala ang pagkakataon.
Ang atin pong batayang
prinsipyo: Malawakang pagkakataon ang susi sa malawakan at
pangmatagalang kaunlaran. Huwag po sana nating kalimutan na ang
pagkakataon ay punla lamang. Kailangan itong diligin ng sipag, alagaan
ng determinasyon, at payabungin ng dedikasyon. Tingnan nga lang po natin
ang mga TESDA-DOLE scholars. Sa 503,521 na napagtapos na natin dito,
tinatayang anim sa bawat sampu ang nagtatrabaho na. [Applause]
Noong araw po, ayon sa pag-aaral ng DBM noong 2006 hanggang 2008, ang
nakakahanap ng trabaho sa mga napagtapos ng TESDA: 28.5 percent lamang.
Noong lumipas na taon naman po: sa IT-BPO program, 70.9 percent ang
employment rate ng ating mga nagtapos sa TESDA. Sa electronics and
semiconductor program naman, umabot sa 85 percent na mga nagtapos noong
2012 ang nagkatrabaho. Malinaw po: Kayo mismo ang huhubog, kayo mismo
ang magdidikta kung hinog at matamis ang bungang kolektibo nating
pipitasin, o kung magiging bulok at katiting ang kahihinatnan ng mga
pagkakataong bumubukas sa kabanatang ito ng ating kasaysayan.
Isa-isahin po natin. Ang
layuning palawakin ang saklaw ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program:
natupad. Ang dinatnan nating mahigit 700,000 kabahayang benepisyaryo ng
programa noong 2010, umabot na sa halos apat na milyon na kabahayan sa
ating pong administrasyon. [Applause]
Mayroon pa po: Galing sa
pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, mas malaki ng
tinatayang 40 porsyento ang sinasahod ng mga naka-graduate ng high
school, kumpara sa mga elementarya lang ang tinapos. Di po ba
makatuwirang sagarin na natin ang tulong na ibinibigay natin sa mga
pamilya, upang makumpleto na ng mga batang benepisyaryo ang high school,
at sa gayon ay maisagad na rin ang benepisyo ng programang ito? Kaya
nga po, sa susunod na taon, magiging saklaw na ng programa ang mga
pamilyang may kabataang abot sa 18 taong gulang, upang hanggang sa high
school ay makapagtapos na sila. [Applause]
Sa edukasyon naman po: ang
layunin nating itaas ang kalidad ng kaalamang natututuhan ng kabataan,
upang matapos mag-aral ay mapanghawakan nila ang mga oportunidad na
bumubukas sa ating lipunan: natupad po. Nabura na ang minana nating
kakulangan sa libro at upuan, at kung magpapatuloy nga po ang
pagpapakitang-gilas ni Kalihim Brother Armin Luistro, [Applause]
pati po ang kakulangan sa silid-aralan ay mabubura na rin sa taong ito.
Ang magandang balita pa: May kakayahan na tayong paghandaan ang
magiging pangangailangan dahil sa K to 12 program. [Applause]
Hindi po biro ang dinatnang
mga problema ni Brother Armin sa DepEd. Isipin po ninyo, kada isang
textbook, pinepresyuhan dati ng 58 pesos; nang siya na ang namumuno,
bumaba ang presyo ng eksaktong libro sa 30 pesos. Paano po kaya kung
dati pa nagbayad ng tamang halaga para sa mga aklat na ito? Kung natipid
natin ang diperensyang 28 pesos, at may limang textbook ang bawat sa
isang tinatayang 20.7 million na estudyante sa ating public school
system, ang katumbas nito: halos 2.9 billion pesos. [Applause] Kaya po sana nitong pondohan ang plano nating pagpapaayos at rehabilitasyon ng nasa 9,502 na silid-aralan.
Kung nagkulang sa lakas ng
loob si Brother Armin, puwede namang ipamana na lang sa susunod sa kanya
ang kultura ng pagwawalang-bahala sa kanyang ahensya. Puwede naman din
pong ipamana na lang ang mga backlog; ipasa na lang sa susunod ang
lolobong pagkukulang dahil sa dumaraming mga enrolee kada taon. Pero
itong si Brother Armin, imbes na makuntento, imbes na sabihing, “Puwede
na ‘yan, tapos na ang trabaho ko,” gagawa pa siya ng mas maraming upuan
at classroom, at bibili ng mas maraming libro, upang siguruhing pati ang
para sa susunod na mga taon ay mapunuan na rin. [Applause]
Ang pagpapalakas naman sa
sektor ng agrikultura: natupad din. Isipin po ninyo, ayon sa NFA: Noong
2010, nag-angkat ang bansa ng mahigit dalawang milyong metriko tonelada
ng bigas. Noong 2011, bumaba ito sa 855,000 metric tons. Noong 2012:
500,000 metric tons na lang. At ngayong 2013: Ang pinakasagad na nating
aangkatin, kasama na ang pribadong sektor, ay ang minimum access volume
na 350,000 metric tons. [Applause] Nakapaloob na po dito ang
187,000 metric tons sa reserbang buffer stock sakaling magsunud-sunod
ang bagyo; malamang, dahil on-target pa rin tayo sa rice
self-sufficiency, hindi na rin kailangan pang mag-angkat ng pribadong
sektor. Dagdag pa po diyan, nagsimula na tayong mag-export ng matataas
na uri ng bigas. Ang layo na po talaga natin doon sa panahong sinasabing
hindi raw natin kayang pakainin ang ating sarili. [Applause]
Datos na rin po ang pruweba:
lumago ng 3.3 percent ang sektor na ito sa unang tatlong buwan ng 2013.
Triple po ang itinaas nito mula sa 1.1 percent growth noong parehong
panahon ng 2012. Kaya naman, patuloy po tayong nagpupunla ng mga
inisyatibang pihadong magbubunga ng higit na kaunlaran sa ating mga
magsasaka.
Halimbawa po, sa niyog. Ayon
sa pagsusuri noong 2009, isa sa mga pinakamahirap na sektor sa bansa ang
coconut farmers. Ang proseso ng pagsasaka nito: Pagkatanim, pitong
taong hihintaying mamunga ang niyog, pero pagkatapos, dalawang
henerasyon ang wala nang ibang kailangang gawin kundi mamitas na lang
nang mamitas. May potensyal po tayong palakihin ang kita ng sektor na
ito kung maglalatag tayo ng kulturang mas nang-eengganyo ng sipag at
pagiging produktibo. Ang tugon: intercropping.
Tutulong ang gobyernong
magpalakas sa iyong niyogan, kapalit ng obligasyong magpunla ng iba’t
ibang binhi sa pagitan ng mga hilera ng niyog. Mas dadalas ang ani ng
magsasaka, at depende sa kanilang itatanim, lalaki ang kanilang kita.
Kung sa niyog lang, sa bawat ektarya, nasa 20,000 piso po kada taon ang
kinikita ng magsasaka. Kung dadagdagan ito ng kape, maaaring pumalo ng
172,400 pesos ang kita; kung saging, aabot sa 102,325 pesos ang maaaring
kitain, samantalang 89,000 pesos naman sa cacao. Ang laking diperensya,
di po ba?
Nasimulan na po nating ilatag
ang mga inisyatiba para rito: Nitong 2012, umabot na sa 5,500 hectares
ng lupain ang ginagamit natin para sa intercropping sa 90 lokasyon sa
bansa. Saklaw po nito ang 10,000 sa ating mga magsasaka. Ang target
naman natin ngayong 2013: dagdag pang 434 sites para sa coconut
intercropping. [Applause]
Itinitimon na rin po natin
tungo sa mas produktibong pampang ang ating mga mangingisda. Isipin po
ninyo: Pumalo sa 193.65 billion pesos ang ambag ng industriya ng
pangingisda sa ating ekonomiya nitong 2012, pero sa kabila nito, 41
porsyento pa rin sa ating mga mangingisda ang maralita nang huli itong
sukatin noong 2009. Sila ang nanghuhuli ng isda, pero ang natitira para
sa kanilang pamilya, tinik na lang.
Kaya nga po: Nariyan ang
maraming inisyatiba ng pamahalaan upang tulungang makaalpas sa lambat ng
kahirapan ang ating mga mangingisda. Halimbawa nga po ang para sa
Bataraza sa lalawigan ng Palawan. Sagana ang katubigan sa paligid nito.
Pero dahil hindi mapaabot sa mga merkado nang sariwa ang isda, ginagawa
na lamang itong tuyo. Sayang naman po, kasi sa bawat tatlong kilo ng
lapu-lapu, isang kilo lang ang tuyong nagagawa. Paano kung mapahaba ang
pagkasariwa ng isda dahil sa cold storage facility? Pupunta ka sa
merkado nang sagad pa rin ang presyo ng huli mo. Parehong sikap sa
paghuli, pero ang makukuha mo, tamang halaga. Kaya nga po, kasado na ang
cold storage facility para sa Bataraza. [Applause] Kasabay po
nito, nagtatayo na rin tayo ng mga bagong pantalan sa mga stratehikong
lugar upang mapalago pa ang produksyon at kita. Ipinapaayos natin ang
mga kalsada, tulay, at iba pang imprastruktura, pati na ang serbisyo
para sa ating mga mangingisda.
Mahigpit din pong binabantayan
ng DILG, BFAR, at Coast Guard ang pangingisda nang walang habas; ang
hiling ko nga pong ambag sa ating mga mangingisda: Pagpahingahin natin
ang mga dagat. Hinihikayat ko po kayong sumama sa pangangalaga ng inyong
kabuhayan; nakikita naman po ninyo: Ang oportunidad, inilalapit na sa
inyo ng estado, pero ang resulta, syempre, nasa kamay ninyo.
Kung may isa man pong paksang
paboritong ikabit sa pangalan ko, ito ay ang Hacienda Luisita. Nais ko
lang pong iulat na noong Pebrero, alinsunod sa utos ng Korte Suprema,
nakumpleto na ng Department of Agrarian Reform ang listahan ng mga
kuwalipikadong benepisyaryo na mabibigyan ng lupa sa Luisita. [Applause]
Ayon rin po kay Kalihim Gil de los Reyes, sinimulan na noong nakalipas
na linggo ang pagtutukoy ng bawat loteng makukuha ng mga benepisyaryo,
at magsisimula nang ipagkaloob ang mga titulo sa Setyembre nitong taong
ito. [Applause]
Para naman po sa iba pang
malalawak na lupain: Matagal na nating inatasan ang DAR, DENR, LRA, at
Land Bank na bumuo ng balangkas kung paanong mapapabilis ang pagproseso
sa pagbabahagi ng lupain. Ipapaalala ko lang po: Tamang datos ang unang
hakbang sa maayos na implementasyon ng CARPER. Pero nagmana po tayo ng
isang depektibong land records system. Kaya simula pa lang po,
nagtrabaho na ang DOJ, LRA, DENR, at DAR para ayusin ang sistemang ito,
at nasa punto na tayo ngayon kung kailan kaya nating siguruhin: Sa
susunod na taon, naihain na ang lahat ng mga notice of coverage para sa
mga lupaing saklaw ng komprehensibong repormang agraryo. [Applause]
Malinaw po: Ang estado,
itinayo para paglingkuran kayo. Kung may problema sa kalusugan, dapat
kumakalinga ang gobyerno; sa panahon ng sakuna, nariyan din dapat ito
para magbigay-lingap. Ano po ba ang ginagawa natin sa mga larangang ito?
Sa kalusugan, ang layunin
nating masaklaw ng PhilHealth ang mas marami pa nating kababayan:
natupad na rin po. Dumating tayong 62 percent ng Pilipino ang naka-enrol
sa programa; ngayon, nasa 81 percent na ito. Ang natitira nga pong wala
sa talaan ay ang mga hinahanap pa, kabilang na po ang informal sector
at mga katutubo. Inaasahan po natin ang pakikipagtulungan ng mga lokal
na pamahalaan upang maisali na natin sa sistema ang lahat ng ating
mamamayan. [Applause]
Hindi lang po mga enrolee ng
PhilHealth ang lumalawak, kundi pati ang mga benepisyong maaaring makuha
mula rito. Noong nakaraang taon, inilunsad natin ang Z Benefit Package.
At nitong Pebrero naman po, pinalawak pa ito ng Expanded Z Benefit
Package. Mas mahaba na po ang listahan ng mga karamdamang libreng
maipapagamot ng mahihirap nating kababayan sa mga pampublikong ospital.
Noong isang taon, nakasama na ang breast cancer, prostate cancer, at
acute leukemia; ngayon, kasama na rin ang iba pang sakit tulad ng
coronary bypass, at ng pagtatama ng mga butas at maling posisyon ng mga
ugat sa puso.
Masasayang lang po ang
ganitong benepisyo kung naghihingalo naman ang kalagayan ng ating mga
pagamutan, at kung hindi naman ito mapuntahan ng mga nasa kanayunan.
Kaya nga po todo buhos tayo ng budget sa imprastrukturang pangkalusugan:
Nitong nakaraang tatlong taon, umabot sa 33 bilyong piso ang nailaan
natin para sa pagpapatayo, pagpapaunlad, at rehabilitasyon ng 4,518 na
ospital, rural health units, at barangay health stations sa buong bansa.
[Applause] Halimbawa na po rito ang Region 1 Medical Center sa
Dagupan, na nakapagsagawa na ng limang kidney transplant ngayong taon;
ang Bicol Regional Teaching and Training Hospital sa Legazpi, Vicente
Sotto Medical Center sa Cebu, at Northern Mindanao Medical Center sa
Cagayan de Oro, na ayon kay Secretary Ike Ona ay may kakayahan na
ngayong magsagawa ng open heart surgery dahil sa mga bagong pasilidad at
kagamitan. [Applause] Nariyan din po ang Davao Regional Hospital sa Tagum City—ang una nating cancer center sa labas ng Kamaynilaan.
Para naman po sa paghahanda sa
kalamidad: Ang layunin nating magpanday ng mga mekanismo upang mailayo
sa peligro ang Pilipino: natupad na rin po. Nariyan po ang epektibong
serbisyong bunsod ng pagsasanib-puwersa ng Geohazard Mapping and
Assessment Program at Project NOAH naman ng DOST. Nitong nakaraang taon,
natapos na natin ang multihazard mapping ng dalawampu’t walong
pinakapeligrosong lugar sa bansa. Susunod na po rito ang para sa Greater
Metro Manila Area na target nating kumpletuhin pagdating ng 2014. Handa
na rin po ang geohazard maps para sa 496 na lungsod at munisipyo. Ang
natitira pong 1,138 na sasaklaw sa bawat sulok ng bansa ay makukumpleto
bago matapos ang 2015. Dagdag pa po, mas matalas at detalyado na ang mga
mapa, kaya mas eksakto na ring natutukoy ang mga mapanganib na lugar. [Applause]
Buhat naman ng inilunsad ang
Project NOAH noong nakaraang taon, nakapag-deploy na tayo ng 525
automated water level monitoring stations at automated rain gauges sa 18
major river basins sa atin pong bansa. Tuloy-tuloy din ang pamamahagi
natin ng mga modernong kagamitan tulad ng Doppler radars, tsunami
detectors, at alerting sirens.
Subalit hindi po sapat ang
basta pagbibigay lang ng makabagong gamit at teknolohiya. Sinasanay din
natin ang mga makakatanggap nito kung paanong intindihin, gamitin, at
palaganapin ang impormasyon. Kapag masama ang panahon, hindi na lamang
bilis ng hangin ang kanilang basehan; alam na rin nila kung gaano
karaming tubig ang bubuhos, at nakakapagbigay sila ng tama at
napapanahong babala sa komunidad upang makapaghanda.
Inaayos na rin po natin ang
problema sa madalas na pagbaha sa Kamaynilaan. Biruin po ninyo: Noong
Ondoy, tinatayang 3,600 cubic meters per second ang tubig na dumaloy
mula sa Sierra Madre. Pero ang kapasidad ng dadaanan nito, nasa
tinatayang 1,000 cubic meters per second lang. Saan naman po pupunta ang
diperensyang 2,600 cubic meters kada segundo? Ito po ang bugso ng tubig
na nagpapaapaw sa mga mababang lugar at nagiging baha.
Di po ba’t narinig na ng
marami sa atin: “Waterways are inalienable.” Ibig sabihin: Ang daanan ng
tubig, para sa tubig lang. Ang problema nga po, kulang na nga ang
dadaanan ng tubig, may mga gusali pang naghahadlang sa mga estero, at
binabarahan pa ito ng basura ng mga tumitira sa paligid. Para po
solusyunan ito, nakikipag-ugnayan tayo sa mga LGU upang maayos na
mailipat ang mga informal settlers. Inihahanda na rin po ng legal team
sa pamumuno ni Secretary Leila de Lima ang mga kaso laban sa nagtayo ng
mga gusali na sumara o humaharang sa mga daanan ng tubig. [Applause]
Hindi po tayo makukuntento sa
sisihan. Ang ating pong aksyon: 6.2 billion pesos para maiwasan ang
pagbaha sa Kamaynilaan. Bahagi nito ang pagtatayo sa Blumentritt
Interceptor Catchment area; 3.3 kilometers po ang haba ng buong
proyekto, at oras na makumpleto, kaya nitong sumalo ng tubig na katumbas
ng tinatayang labing-apat na Olympic-size swimming pool. Kaya kung may
bubuhos man pong tubig, mayroon na itong pupuntahan, at hindi na
kailangang nasa ibabaw ng lansangan. [Applause] Nasimulan na po ang proyektong ito noong Marso; layunin nating matapos ito sa susunod na taon.
Ginagampanan po ng gobyerno
ang kanyang obligasyon. Tanungin din po sana natin ang ating sarili: Ano
ang inaambag ko sa solusyon? Kung may magtapon sa ilog, sitahin mo
sana; kung may magtayo ng building sa estero, isumbong mo na. Lalo po
tayong malulubog sa problema kung magkikibit-balikat lang po tayo.
Lumisan man ang bagyo, di
naman humuhupa ang pagsisikap nating maibalik sa normal ang buhay ng mga
pamilyang nasalanta ng mga nagdaang kalamidad. Sa pagtutulungan ng
gobyerno at pribadong sektor, nasa 9,377 na kabahayan na po ang
naipatayo para sa mga sinalanta ng bagyong Sendong. May karagdagan pang
4,374 na tahanang maipapatayo ng gobyerno bago matapos ang susunod na
taon. [Applause] Humihingi po tayo ng pag-unawa kung medyo
nagtagal ito, dahil na rin sa masalimuot na proseso ng land acquisition;
katunayan nga po, kung maaayos ang usapin sa iba pang lupain, may
dagdag pang 2,719 na kabahayan ang maipapatayo natin.
Target naman po nating
maipagkaloob ang kabuuang 53,106 na kabahayan para sa mga kababayan
nating sinalanta ng bagyong Pablo. Nasimulan na po natin ang pamamahagi
ng mga bagong bahay nitong Mayo. Tatapusin po natin ang 17,609 na
kabahayan bago matapos ang taon, at oras na makumpleto na rin ang
natitira pang 35,447 sa 2014, ang mga pamilyang tinamaan ng dahas ng
kalikasan ay makakasilong na muli sa ilalim ng sariling bubong. [Applause]
Tungkol din po sa pabahay,
para naman sa ating unipormadong hanay: ang 21,800 na housing unit para
sa pulis at kasundaluhan—natupad na, noong isang taon pa. Sa Phase II
naman ng proyekto, naitayo na rin po ang halos 26,050 sa target na
31,200, na makukumpleto na sa susunod na buwan para naman sa Phase II.
Bukod sa pabahay, may mga
programang pangkabuhayan din tayong binubuo para sa ating mga kawal. Ang
ilang libong ektaryang lupain sa tatlong kampo-militar, partikular na
sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, sa Camp Kibaritan sa Bukidnon, at sa
Camp Peralta sa Capiz, ay paglulunsaran ng dagdag na pagkakakitaan ng
mga sundalo, gaya ng plantasyon ng kawayan, kape, cacao, at palm oil. [Applause]
Kung dati, nakatutok lamang sa tanggulan ang mga kawal, ngayon maski
retirado ay may pagkakataong maging bahagi ng paglago ng ating
ekonomiya.
Subalit hindi dito nagtatapos
ang paghahanap ng solusyon sa mga minana nating problema sa pambansang
tanggulan. Isipin po ninyo: noong 1986, mayroon daw tayong 250,000 na
pulis at sundalo para sa mahigit 55 million Filipinos. Ngayon po,
mayroon pa rin tayong tinatayang 250,000 na pulis at sundalo, na
nagbabantay sa 95 milyong Pilipino. Halos dumoble ang populasyon natin,
pero hindi nagbago ang bilang ng nagbabantay sa atin.
Tiyak pong may mga nagsasabi
na diyan: “Problema ba ito? E di magdagdag kayo ng pulis at sundalo.
Makakalikha pa kayo ng trabaho.” Sana nga po ganyan lang kadali at
kasimple ang solusyon. Tingnan po muna natin: Sa karaniwang pension
scheme, maghuhulog ng kontribusyon ang miyembro at nag-eempleyo. Ito ang
puhunang palalaguin, at dito magmumula ang pensyon sa pagreretiro ng
miyembro. Pero ano po ba ang situwasyon sa pensyon ng AFP at PNP? Walang
naghuhulog, pero may kailangang bayaran. Dagdag pa rito, naka-index sa
sahod ng mga aktibong sundalo at pulis ang pensyon ng retirado. Ibig
sabihin, kapag lumaki ang sahod ng nasa serbisyo, lalaki rin ang pensyon
ng mga retirado o ng mga pamilyang tumatanggap pa nito. Taun-taon,
dumarami ang mga nagreretiro, kaya natural, pataas din nang pataas ang
obligasyon. Ang masaklap, pambansang budget ang sumasalo nito: Noong
2012, 54.48 billion pesos ang inilaan para sa pensyon ng sundalo at
kapulisan. Ngayong taon, 61.29 billion, at aabot po ito sa 80.64 billion
sa 2016. Lolobo pa ito nang lolobo, kaya’t liliit naman nang liliit ang
pondo para sa iba pang serbisyong panlipunan. Paano naman po tayo
magdadagdag pa ng pulis at sundalo kung ganito ang konteksto?
Kailangan ng sistemang tutugon
sa obligasyon ng lipunan sa ating mga sundalo’t kapulisan; malamang po,
GSIS ang hihilingan natin ng tulong para rito. Pinag-aaralan na rin po
ang posibilidad na gamitin ang mga reclaimed area para makakalap ng
pondong ipapasok sa papandaying solusyon. Hindi rin naman po natin
puwedeng biglain ang pagtugon sa kabuuan ng ating mga pangangailangan,
kaya’t mas masinsin pang pagsusuri ang gagawin natin upang makalikha ng
isang patas, pangmatagalan, at malinaw na mekanismo para sa mga pensyon
ng mga pulis at sundalo. Nananawagan po ako sa Kongreso: Pag-aralan po
nating muli ang PD 1638 at RA 8551 upang maiangkop sa panahon at sa
pambansang pangangailangan ang pensyon at benepisyo ng ating pulis at
kasundaluhan. [Applause]
Kaparehong paninindigan rin po
ang nakikita nating solusyon sa nakaambang problema sa pensyon sa SSS.
Isipin po ninyo: mula 1980, 21 times nang nagkaroon ng across-the-board
pension increase—ulitin ko lang po yun, 21 times—pero ang masaklap po,
dalawang beses pa lang pong tumaas ang contribution rate. Ang resulta:
Tinatayang 1.1 trillion pesos na ang unfunded liability ng SSS base sa
pag-aaral na isinagawa nitong 2011. Inaasahang tataas ito ng 8 porsyento
kada taon, at mauubos ang pondo 28 years from now. Kapag nangyari ito,
walang ibang malulugi kundi ang susunod na salinlahi ng Pilipino.
Naniniwala po tayong panahon
na para amyendahan ang SSS Pension Scheme. Kailangan nating tambalan ng
inisyatibang mag-impok nang sapat ang pagluluwal natin ng pera. Kung
magdadagdag lamang tayo ng 0.6 percent sa contribution rate, 141 billion
pesos na agad ang maibabawas sa unfunded liability ng SSS. Kung ngayon
na tayo magsisimulang mamuhunan sa kinabukasan, wala nang problemang
ipapamana sa mga susunod sa atin. [Applause]
Sa kapulisan naman po, ang
layunin nating magbigay ng lakas upang magampanan nila ang kanilang
tungkulin: natupad rin natin. Simula ngayong 2013, 30,000 sa mga pulis
ang babalik sa pagpupulis, dahil kukuha tayo ng mga civilian personnel
para gawin ang mga tungkuling administratibo. Sayang naman po ang
kakayahan at abilidad ng ating mga kawal at pulis kung ikukulong lamang
natin sila sa apat na sulok ng opisina.
Sa pagpasok rin po ng buwang
ito, inumpisahan nang ipamahagi ang mga bagong unit ng 9mm Glock 17
pistols sa ating mga pulis. Simula pa lang po ito; kasado na rin ang
pamamahagi ng kabuuang 74,879 na baril sa ating mga alagad ng batas,
tungo sa katuparan ng mithiin nating one-is-to-one police-to-pistol
ratio. [Applause]
Sulit na sulit naman po ang
pamumuhunan nating ito sa pambansang kapulisan, lalo pa’t nagbubunsod
ito sa maayos at maaasahang serbisyo. Di po ba’t tuwing eleksyon,
nasanay na tayo sa kaliwa’t kanang insidente ng karahasan? Tinugunan po
natin ito tulad ng Oplan Katok. Ang pakay ng programa: hanapin ang mga
baril na paso na ang lisensya, at tiyakin na ang mga baril na mayroon
namang lisensya ay hawak pa rin ng otorisadong mamamayan. Para gawin
ito, 491,929 na pintuan ang kinatok ng ating mga pulis para sa renewal
ng mga lisensya. Nakatulong po ito upang maging mas epektibo ang
kampanya natin para sa Secure and Fair Elections, kung saan ang 112
private armed groups noong eleksyon ng 2010 ay napababa na lang sa 41.
Katumbas po ito ng 63 percent na pagbaba. [Applause] Mula rin
sa 189 na insidente ng karahasan noong eleksyon ng 2010, 77 na insidente
lamang ang kompirmadong naganap nitong huling halalan. [Applause]
Gawin po nating halimbawa ang
ARMM. Ang sabi nga po ni Governor Mujiv Hataman, sa tanang-buhay niya,
hindi siya makaalala ng pagkakataon kung kailan walang failure of
elections sa Lanao del Sur. Alalahanin po natin, ito ang unang beses na
magkasabay ang pambansa at rehiyonal na halalan sa ARMM. Ang ibig pong
sabihin, noon ay nakatutok ang buong pwersa ng estado sa iisang rehiyon,
pero may failure of elections pa rin. Ngayong 2013, dahil buong bansa
ang kinailangang tutukan, at lumawak ang kanilang responsibilidad, may
mga nag-akalang lulubha pa ang situwasyon sa halalan ng ARMM. Pero kita
naman po ang laki ng ikinaganda nito: Naging malinis at tapat ang
halalan sa ARMM; natuloy ang bilangan, natuloy ang proklamasyon ng mga
may bagong mandato mula sa taumbayan. Dahil sa sipag ng ating mga pulis
at kawal, at gayundin sa pakikiisa ng sambayanan, talaga naman pong ang
eleksyon 2013 ay naging mas payapa at tahimik. [applause]
Gayumpaman, may mga
insidenteng nagmamantsa pa rin sa dangal ng ating kapulisan. Nabalitaan
na naman siguro natin ang nangyari sa mga miyembro ng Ozamiz Gang na
sina Ricky Cadavero at Wilfredo Panogalinga: nahuli na, pero napatay pa.
Tulad ng ginawa nating imbestigasyon sa nangyari sa Atimonan,
sisiguruhin nating mananagot ang sinumang pulis o kung sino mang sangkot
dito—gaano man kataas ang kanilang ranggo. Kung sino man ang mga
pasimuno dito: maghanda lang kayo. Malapit ko na kayong makilalang
lahat. [Applause]
Sa kabila ng ganitong mga
kuwento, buhay na buhay po ang aking pag-asa sa hanay ng kapulisan.
Hindi sila nagkukulang sa mabubuting halimbawa tulad ni PO3 Edlyn Arbo,
na buong tapang na hinarap at tinugis ang isang holdaper sa nasakyan
niyang jeep, [applause] off-duty man at walang dalang baril.
Nariyan po siya at sinagupa yung holdaper na nagkamaling siya ang
pag-tripan. Nariyan din po si PO3 Felipe Moncatar na umani ng samu’t
saring papuri dahil sa haba ng listahan [applause] ng mga
kriminal na kanyang nahuli, at ang balita ko ay may nahuli ka na namang
batikang carnaper sa Bacolod—talagang napakahusay mo. Ang ilan po dito
sa kanyang mga nahuli kabilang sa pinaka-pinaghahanap na personalidad sa
Bacolod at miyembro ng mga malalaking sindikato. Baka narinig na rin po
ninyo ang kwento ni PO2 Dondon Sultan. May nasiraan ng kotse sa
kahabaan ng Quezon Boulevard; tigil naman si Ginoong Sultan para
tumulong. Hindi lang po siya nagpalit ng gulong; inihatid pa niya sa
kasa ang nasiraan. [Applause] Bilang pasasalamat sa kanyang
serbisyo, sinubok abutan ng 1,000 piso si PO2 Sultan. Tinanggihan niya
ito. Ang kanyang sagot: “Trabaho naming tumulong sa mamamayan.” [Applause]
Saludo po kami sa mga tulad ninyong lingkod-bayan. Patunay kayong hindi
pa endangered species ang tapat at mahuhusay na pulis. Inatasan ko na
sina Kalihim Mar Roxas ng DILG, pati na rin si Kalihim Voltaire Gazmin
ng DND, upang siguruhing ang mga katulad ninyo sa ating unipormadong
hanay ay makakatanggap ng kaukulang pabuya at karangalan. Salamat pong
muli. [Applause]
Idaragdag ko na rin po ang
ating disaster relief workers mula sa maraming sangay ng gobyerno, pati
na ang volunteers galing sa pribadong sektor. Alam ko pong hindi
madaling lumusong sa baha, magbungkal ng putik, at humarap sa mukha ng
pinsala. Hindi po ako magsasawang kilalanin ang inambag ninyo sa
lipunan; saludo po ako sa pag-aalay ninyo ng sarili upang bawasan ang
pagdurusa ng ating mga kababayan. [Applause]
Abot-kamay na rin po ang
kapayapaan sa rehiyong matagal nang pinupunit ng hidwaan. Nitong Oktubre
po ng nakaraang taon, nilagdaan ang Framework Agreement on the
Bangsamoro. Katunayan nga po, siyam na araw pa lang ang nakakalipas mula
nang lagdaan ang ikalawang annex ng kasunduan. Kumpiyansa po tayong
masusundan pa ito ng mas magandang balita sa lalong madaling panahon.
Tiyak kong mulat ang lahat:
Hindi biro ang proseso ng pagbubuo ng consensus; mabuti na lamang talaga
at handang makinig, magbigayan, at magkita sa gitna ang magkabilang
panig. Alam naman natin ang maaaring maging resulta kung magpapadaan
tayo sa inip. Ang malinaw po sa akin: Ang mga salitang ating bibitawan
ay dapat magbunga ng mga kilos na positibong makakaapekto sa lahat. Ang
bawat linya sa binubuo nating kasunduan ay dapat maaaring itaga sa bato,
at hindi ililista lamang sa tubig upang anurin na naman ng kasaysayan. [Applause]
Pinalaki po ako ng aking ama nang may isang salita, kaya’t sinasabi ko
sa mga kapatid nating kasapi ng Bangsamoro: Anumang mapagkasunduan natin
ay ipatutupad ng pambansang gobyerno. [Applause]
Kailangan po ng tiwala sa
usapan ng kapayapaan. Hindi automatic ang magkaroon ng tiwala, dahil na
rin sa haba ng pinagdaanan. At ngayon, talagang dama na natin na gustong
makipagkasundo ng magkabilang panig, at tayo naman ay nagpapakita na
dapat talaga tayong pagkatiwalaan. At sa mga pumipigil sa pagkakaroon ng
tiwala at naghahasik ng pagdududa: Masasabi mo bang Pilipino kang may
malasakit sa kapwa mong Pilipino?
Umaasa po ako sa pakikiambag
ng bawat Pilipino sa layunin natin para sa Bangsamoro. Ipakita po natin
sa kanilang hindi sila nagkamali sa pagpili sa direksyon ng kapayapaan;
ipamalas natin ang lakas ng buong bansa upang iangat ang mga probinsya
sa Muslim Mindanao, na kabilang sa mga pinakamaralita nating mga
lalawigan. [Applause] Tagumpay ng lahat ang ating hangarin;
hindi tayo papayag na may kababayan tayong mapapag-iwanan habang may
ibang nakakalamang. Nananawagan ako sa ating Kongreso: Nabuo na po ang
Transition Commission na gagawa ng panukalang Bangsamoro Basic Law.
Tatapusin ito alinsunod sa mga prinsipyo ng komprehensibong kasunduan
para sa kapayapaan; maipasa po sana ninyo ito bago matapos ang 2014. [Applause] Sa gayong paraan, may sapat tayong panahon para makapaghanda sa paghalal ng bagong pamahalaang Bangsamoro sa 2016.
Anuman pong pagbabagong
tinatamasa natin ngayon ay naabot dahil hindi tayo nakuntentong sumunod
lamang sa dinatnang status quo ng pamamahala. Matanong ko nga po: Ilan
po ba sa inyo ang nakagamit ng tinatawag na Telepono sa Barangay? Hindi
po ako magtataka kung wala. Isipin po ninyo, ayon sa DOTC: Mahigit 5
billion pesos ang ginastos para sa isang programang magdadala ng
telepono sa mga kanayunan. Di po ba’t sayang lang ito, dahil sa loob ng
maikling panahon matapos ang implementasyon, dahil hindi pa nga po tunay
na tapos ang implementasyon niyan, dumami nang dumami ang may cellphone
na Pilipino? Sino nga ba naman ang papansin sa mahigit 6,000 landline
na ikinabit o ipinakabit nila, gayong may 100 milyon nang cellphone sa
Pilipinas?
Heto pa po ang isang halimbawa
ng pag-iisip sa gobyerno na kinailangan nating baguhin: Bumilitayo tayo
ng walong combat utility helicopter, para daw sa mabilisang pagbiyahe
ng ating mga sundalo. Ang problema: Sukat ba naman pong naka-mount ang
baril sa may pintuan, at kailangang tanggalin kung may dadaan. Kung
lalapag ka habang nagbabakbakan, ano ang silbi ng machine gun na
nakatabi at hindi mapaputok? Wala bang nakaisip nito bago nagkapirmahan
ng kontrata? Bakit naman po pinayagang mangyari ito?
Kailangan pong maging mas
mahusay tayong mamimili. Hindi puwedeng palagi tayong nakasalalay sa
sales talk ng mga supplier sa pagpili ng mga kagamitan natin. Inatasan
natin ang DOST na bumuo ng grupo ng mga ekspertong hindi kayang bolahin
ng mga supplier, lalo na po pagdating sa mga big-ticket items. Ang
patakaran natin: Tamang pagkilala sa ugat ng problema; tamang pag-aaral
na tutukoy sa tamang solusyon, na maaabot naman sa pamamagitan ng tamang
metodolohiya. [Applause]
Iyan po ang kaisipang
pinagmulan ng ating tugon sa isyu ng mga informal settler sa
Kamaynilaan. Kaya nga po, ang layunin nating ilayo sa panganib ang mga
nagsisiksikan sa peligrosong bahagi ng lungsod: tinutupad na rin natin.
Wala naman po sigurong kokontra kapag sinabi nating hindi tama ang
kasalukuyan nilang kondisyon. Ayon po sa Article 2, Section 5, o ang
general welfare clause ng ating Saligang Batas: “Dapat sundin ng Estado
ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, ang pangangalaga sa buhay,
kalayaan at ari-arian, at ang pagtataguyod sa kagalingang panlahat upang
matamasa ng buong sambayanan ang mga biyaya ng demokrasya.”
Dito po natin napatunayan:
Nakikinig sa katuwiran ang Pilipino; kapag ipinakita mong malasakit ang
iyong batayang prinsipyo, handa tayong makiisa. Bago po magbaklas ng mga
bubong at magtibag ng mga pader, ipinaliwanag natin ang katuwiran ng
ating desisyon: Maayos ang lilipatan, malapit sa sakayan, at kung
magsisikap kayo, hindi magkukulang ang inyong pagkakakitaan. Nilinaw din
po natin: Layunin nating magbigay-lingap sa mga nasa peligro—hindi sa
sindikato. Batid nating sa tuwing inaabuso ng ilan ang pagmamalasakit ng
estado, ipinapain rin nila sa alanganin ang buhay at kabuhayan ng
napakaraming Pilipino.
Matapos nga pong maibiyahe ang
isang pangkat sa relocation site, sila mismo ang nanghikayat sa mga
dati nilang kapitbahay: Sumama na kayo. Mas ligtas dito. Ngayong taon
po, prayoridad nating ilipat ang mahigit 19,400 pamilyang nagsisiksikan
sa mga pangunahing daluyan ng tubig sa Metro Manila. Sa pagkakapit-bisig
ng DILG, NHA, DSWD, MMDA, at DPWH, lumilinaw na po ang sagot sa
suliraning ito.
Isa pa pong halimbawa ng
transpormasyon sa pamamahala: Di ba’t matagal ding nabinbin sa Kongreso
ang mahahalagang batas? Nito pong nakaraang taon, naisabatas na, sa
wakas, ang Sin Tax Reform Law at ang Responsible Parenthood Law. [Applause]
Nagpapasalamat tayo sa mga naging kasangga natin sa pagsusulong nito sa
Kamara at Senado. Hindi ninyo inalintana ang mahabang proseso ng debate
at konsultasyon; hindi kayo nagpadaig sa mga naghasik ng pagdududa
upang harangin ang ating mabuting agenda. Tinitimbang ninyo kung ano ang
kapaki-pakinabang sa mas nakakarami, at isinusulong ang tunay na
serbisyo para sa Pilipino. [Applause]
Ilalapit ko na rin po sa ating
Kongreso ang ilang batas na makakatulong sa pagpapatuloy ng nasimulan
nating pagbabago. Maamyendahan na po sana ang Cabotage Law, upang mas
mapalakas ang kumpetisyon, at mapababa ang gastos sa transportasyon [applause]
ng ating mga sakahan at industriya. Maisulong na rin po sana ang Fiscal
Incentives Rationalization Bill, upang maging mas tapat, malinaw, at
may pananagutan ang mga insentibong ibinigay natin sa mga negosyante. [Applause]
Paglaanan din po sana ng panahon ang Land Administration Reform Bill,
upang maitimon sa iisang direksyon ang mga kawanihang nakatutok sa ating
mga lupain, at nang sa gayon ay masigurong masinop at epektibo nilang
magagawa ang kanilang trabaho. [Applause]
Bukas na bukas din po, ihahain
natin ang panukalang 2.268 trillion pesos na national budget sa
Kongreso. Kumpiyansa po ako sa suporta at pakikibalikat ninyo upang
mapatibay ang pondong ito na talaga naman pong masusing pinag-isipan.
Makakatulong ito hindi lang para ituloy ang agenda ng positibong
pagbabago, kundi upang mapaspas pa ang pag-arangkada natin tungo sa
malawakang kaunlaran.
May ilan pong nagsasabi na
kailangang patibayin ang Sandatahang Lakas. Sang-ayon po ako dito. Pero
tila ba ang gusto nila ay ilagak ang bawat sentimo ng kabang bayan para
sa fighter jets, tangke de guerra, at iba pang gamit pandigma. Hindi
yata nila alam na ang isang fighter jet na nagkakahalaga ng 1.58 bilyong
piso, ay katumbas ng 6,580 na bahay para sa mga pulis at sundalo, o
halos 2,000 na silid-aralan para sa mga kabataan. At ano naman ang
magagawa ng isang pirasong jet? Para maging epektibo, ang kailangan, mga
squadron—at ang isa nito ay binubuo ng dalawampu’t apat na fighter
jets. Sa halagang 1.58 billion pesos kada piraso, 37.92 billion pesos
ang huhugutin sa kabang bayan para makabuo ng isang squadron. Paano
naman ang missiles pati na rin ang practice missiles? Hindi rin po libre
ang jet fuel, radar system, ground bases, at ground intercept controls.
Hindi po talaga biro ang gastos para sa isang minimum credible defense
posture; gagayahin pa ba natin ang iba, na handang kalimutan ang lahat
para lang makuha ang nuclear option? Wala naman sigurong sasang-ayon
dito. Babalansehin po natin ang ating mga pangangailangan. Aasikasuhin
natin nang husto ang mga dapat tugunan sa ating lipunan, habang patuloy
tayong nagiging mabuti at mahinahong kasapi ng pandaigdigang komunidad.
Alam naman natin dati, ang
batayan ng desisyon, puro pulitika. Gagawin ang lahat para kumapit sa
kapangyarihan, kapalit ang pagdurusa ng kasalukuyan at susunod na
henerasyon ng Pilipino. Tingnan po natin kung ano ang kinahantungan ng
pag-ipit sa pagtataas ng pasahe sa LRT at MRT. Ang tinatayang gastos sa
bawat biyahe ng pasahero ng LRT, 40 piso. Ang bayad ng pasahero, 15
piso. Ibig sabihin, sagot ng pamahalaan ang natitirang 25 piso. Sa MRT
po, 60 piso ang totoong gastos: 15 piso sa pasahero, 45 piso sa
gobyerno—sa huli, bawat Pilipino, abunado. Nasa Mindanao ka o Visayas ka
man, na ni minsan ay hindi nakatuntong sa LRT o MRT, kasama ka sa
pumapasan nito.
Ang masaklap pa nga po: Dahil
ipinamigay na ng nakaraang mga pinuno ang commercial development rights
natin dito, bawat pisong maaaring makalap mula sa mga poster at
billboard na nakapaskil sa stasyon o sa tren man, napupunta sa pribadong
kumpanya kaysa sa gobyerno. Ang puwede sanang pagkunan ng pantustos sa
maintenance at operasyon, nawala pa.
Siguro naman po, makatuwirang
ilapit man lang natin sa ibinabayad sa aircon bus ang pasahe ng LRT at
MRT, upang maituon ang subsidiya sa iba pang serbisyong panlipunan.
Nakita naman po ninyo: wala
tayong balak magpamana ng problema sa susunod sa atin. Ang totoo nga po,
ang mga proyektong dati’y nilulumot lang, ngayon, napapakinabangan na
ng mamamayan. Tingnan na lang natin ang Ternate-Nasugbu Road. Kung
tutuusin, anim na kilometro lang ang haba ng kalsadang ito na
nagkokonekta sa Cavite, Batangas, at Metro Manila, pero ‘yang anim na
kilometrong iyan, inabot pa ng halos dalawampung taon bago ito matapos.
Binuksan na natin ang isang bahagi nito, at pag nakumpleto ang
natitirang slope protection, ganap na ang magiging pakinabang ng kalsada
sa mga motorista.
Nariyan din po ang Aluling
Bridge sa Ilocos Sur. Taong 1978 pa po inilatag sa papel ang pagpapatayo
nito. Siniguro na nating hindi lamang din papel ang mamanahin ng
susunod sa atin: Nitong Marso, sa wakas, natapos na ito at sinimulan na
rin natin noong nakaraang buwan ang operasyon ng Laguindingan Airport,
na isang henerasyon naman ang pagitan mula nang inisip at isakatuparan. [Applause]
Ilang dekada ring naghintay
ang industriya ng semiconductors na magkaroon ng laboratoryong kayang
makipagsabayan sa pasilidad ng ibang bansa. Hindi na po natin pinahaba
ang kanilang paghihintay. Nitong nakaraang Mayo, sa pangunguna ng DOST,
pinasinayaan natin ang Advanced Device and Materials Testing Laboratory.
Dati, kailangan pang ipadala ang mga produkto sa ibang bansa para
suriin. Hindi natin nasasagad ang kita; hindi rin nasasagad ang
potensyal ng industriya na manghikayat ng puhunan. Dahil po sa pasilidad
na ito na tinaguriang ADMATEL, ngayon, dito na susuriin ang mga
produkto, at masusulit ang mga bentahe ng manggagawang Pilipino sa
larangan ng electronics. Inaasahan nga po nating lalo pang lalakas ang
industriyang nag-ambag ng halos 44 percent ng ating exports noong 2012. [Applause]
Sa tulong naman po ng ating Big Man sa Senado na si Manong Frank Drilon, [applause]
natapos na ang mahigit limampung taon na paghihintay ng mga Ilonggo;
nasimulan na ang Jalaur River Multi-Purpose Project II sa Iloilo. Ano po
ba ang mga pakinabang nito?
Tinataya pong 24,000 magsasaka
sa kalakhang Iloilo ang mahahatiran nito ng buong-taong irigasyon.
Dahil dito, maaaring dumoble ang ani ng mga magsasaka ng palay. Linawin
po natin: Ang sakop nitong 31,840 hectares ng lupaing mapapatubigan, may
dagdag na aning bigas na 146,013 metric tons. Katumbas po ito ng halos
walumpung porsyento ng aangkatin nating buffer stock ng bigas para sa
2013. [applause]
Bukod pa po ito sa iba pang
benepisyo ng proyekto tulad ng pag-iwas sa malawakang baha sa Iloilo, at
ang dagdag na 6.6 megawatts ng hydropower. May ambag din ito sa supply
ng tubig para sa ilang bahagi ng probinsya, at sa industriya ng
ecotourism doon. Dagdag pa rito, nasa 17,000 trabaho ang malilikha ng
proyekto; oras na maging fully operational naman ito, tinatayang 32,000
Pilipino ang mabibiyayaan ng sapat na pagkakakitaan. [Applause] Una raw po inisip itong proyektong ito noong 1960.
Mulat din po tayong marami sa
ating mga kababayan ang nananabik na makita ang mga bunga ng ating
Public Private Partnership projects. Alam din po nating may mga tila
naiinip na sa kahihintay para rito.
Isakonteksto po natin. Noong
2010, pag-upo natin sa puwesto, 6.5 percent na lang ng programmable
budget ng taon, o 100 billion pesos lamang, ang iniwan sa atin. Ang 93.5
percent po, inilaan na sa kung saan-saan ng ating sinundan. Kaya naman,
lumapit tayo sa pribadong sektor. Ang sabi natin: kulang kami sa pondo,
halina’t mag-ambagan tayo upang maipatayo ang mga kinakailangang
imprastruktura.
May balakid din po tayong
kinaharap nang magsimula ang PPP. Luma na ang mga pag-aaral na basehan
ng mga proyekto; kulang sa kaalaman ang burukrasya para ipatupad ito.
Idagdag pa natin ang publikong nagsawa nang magtiwala sa mga kontratang
pinapasok ng gobyerno.
Gayumpaman, sa anuman pong
situwasyon, ang ating prinsipyo: Gagawin na lang din natin, gawin na
natin nang tama. Wala tayong balak na pumasok sa kuwestiyonableng
kontrata ngayon, para lang ipamana ang problema sa susunod na
administrasyon. Kailangang dumaan sa tamang proseso ang bawat proyekto,
para masigurong ang perang inyong pinaghihirapan ay napupunta sa dapat
nitong kalagyan.
Ngayon pa lang, nakikita na
natin ang epekto ng maayos, tapat, at hayag na paglalatag sa PPP
projects. Dati, may isang paliparan lang na maipagawa, napakalaki nang
balita. Ikumpara po natin ngayon: bukod sa pinapakinabangan na ang
paliparan sa Laguindingan, sabay-sabay din ang proseso ng pagsasaayos at
modernisasyon ng Tacloban Airport, Bicol International Airport, New
Bohol Airport, Mactan Airport, at Puerto Princesa Airport. Ang Daang
Hari-SLEX link road ang pinakamabilis na PPP project na nai-award sa
alinmang administrasyon, nang walang shortcut na dinaanan ang proseso. [Applause]
Ang mga ito, at ang napakarami pang ibang ipinapatayo at ipapatayong
imprastruktura, ay manganganak ng isang lipunang hitik sa oportunidad.
Mahaba po ang listahan ng mga
suliraning minana, at tinutugunan na natin. Halimbawa: Ang madalas na
pag-brownout sa Mindanao. Mula’t sapul pa lang, naglalatag na tayo ng
solusyon para dito, ngunit batid nating ang problemang isang dekadang
binalewala ay hindi masosolusyonan sa isang tulog lang. Sa ngayon,
patuloy ang paggawa natin ng mga hakbang upang tugunan ang mga
kakulangan at agarang pangangailangan. Nariyan po ang pagtulong natin sa
electric cooperatives upang makapagpasok sila ng generator sets ng
magpapabawas sa brownout. Magtutuloy-tuloy ito hanggang makumpleto na
ang mga plantang magsu-supply ng kuryente sa rehiyon.
Pero hindi po talaga mauubos
ang mga kontra. Kesyo tataas daw ang presyo ng kuryente kapag may
gensets dahil diesel ang ginagamit. May hydropower ngayon dahil
tag-ulan, kaya umuugong na naman ang reklamo laban sa mga genset. Pero
pagpasok ng tag-init, tiyak, marami na naman pong magrereklamo sa walong
oras na brownout.
Sa ibang bahagi naman po ng
Pilipinas, gusto nating magtayo ng mga planta. Habang umuunlad kasi ang
ekonomiya, tumataas din ang konsumo natin ng kuryente, at kailangang
dagdagan ang supply nito. Gusto ba nating kapag sinagad na ang mga
pagkukunan, saka lang tayo gagawa ng planta? Ang pagawa po niyan dalawa
hanggang tatlong taon bawat planta. Hindi po kabuteng basta na lang
susulpot ang mga ito.
Kung maganda ang mungkahi,
handa naman po tayong makinig, pero sana naman ay makuha ng mga miron
ang kabuuang konteksto ng situwasyon. Halimbawa po ang planta sa
Redondo, Zambales. Pina-TRO dahil mas maganda raw ang renewable. Sinabi
rin po ba nilang mas mahal itong ipatayo, at mas mahal din ang magiging
presyo ng enerhiya? Sinabi po kaya nilang hindi nito kayang tugunan ang
baseload, o ang kapasidad na kailangang laging nariyan para hindi
mag-brownout? Magtatayo ka ng wind; paano kung walang hangin? Kung
solar, paano kung makulimlim? Lilinawin ko lang po: Naniniwala rin ako
sa renewable energy at suportado natin ito, pero dapat ding may mga
baseload plant na sisigurong tuloy-tuloy ang daloy ng kuryente sa ating
mga tahanan at industriya. Mag-iingay pa rin po kaya ang mga
kumokontra, kung busy na sila sa kapapaypay dahil nag-brownout na? [applause] Ang sa akin lang po: makiambag sana tayo sa paghahanap ng solusyon.
Tutal din po, nagtatapatan
tayo: Pag-usapan naman natin ang pagsasaayos ng NAIA 3. Masalimuot po
ang usapang ito. Dumaan na ito sa dalawang arbitration; naipanalo na
sana natin pareho, pero binaliktad ang desisyon ng isa dahil sa
technicality. Kaya nga po ngayon, pinaghahandaan ang muling pagdinig
nito. Dagdag na komplikasyon po ang isyu ng warranty sa pagpapatapos ng
NAIA 3—hindi naman puwedeng ‘pag may umusbong na depekto, pasensyahan na
lang, dagdag-gastos pa. Kaya nga po nang ipinaliwanag sa atin na
bibigyan tayo ng maayos na warranty ng orihinal na contractor, pumayag
tayo. Pero gusto nating manigurado; gusto nating kumpletuhin nang tama
at buo ang proseso, at hihingin ko po ang inyong pag-unawa ukol sa
isyung ito.
Malinaw na po ngayon: Iisa ang
tuon ng bawat metro kuwadrado ng sementong ibinubuhos natin bilang
pundasyon ng mas maunlad na bansa: Pakinabang sa bawat isa—hindi
politika. Kung dati, gumagawa ng kalsada kung saan lang kursunada, at
nagpapatayo ng tulay kung saan kaibigan ni Madam si Mayor, ngayon,
sumusunod na tayo sa isang pambansang plano. Walang paborito, walang
transaksyunalismo, walang padrino; bawat piso, nakatuon sa ating
pagpaspas tungo sa malawakang pag-unlad.
Ang maaasahan po natin sa mga
susunod na taon: mga paliparan at daungang lalapagan ng kalakal at
turista; mga kalsadang sisigurong husto ang pakinabang ng lahat sa
malalaking proyektong ito; mga power plant na pagmumulan ng sapat na
kuryente at magpapatakbo sa mga industriya. Ito ang magsisilbing
balangkas na magsasanga ng iba pang inisyatibang dadaluyan ng
oportunidad para kay Juan at Juana dela Cruz—mula sa mga magsasakang may
sapat nang patubig at mabilis nang naibebenta ang ani, hanggang sa mga
construction worker na nagtitindig ng mga bagong gusali; mula sa patuloy
na pag-usbong ng mga call center, hanggang sa pagdami ng mga
negosyanteng handang magpasok ng kapital sa bansa. Nagsulong tayo ng mga
tamang proyekto sa tamang halaga; ginawa natin ito nang may tamang
kalidad; at natapos o matatapos ito sa tamang panahon, dahil tama at
karapat-dapat ang mga taong nagpapatupad nito.
Pag-usapan po natin ang
trapiko: Di po ba’t tinatayang 2.4 billion pesos ang nawawala sa ating
ekonomiya kada araw, dahil sa buhol-buhol na trapik sa Kamaynilaan?
Kabilang sa mga proyekto nating pihadong magpapaluwag dito ay ang
Integrated Transport System. Ang mga bus na nagsisiksik sa mga kalsadang
punung-puno na nga, ginagawan natin ng terminal sa mga lugar na hindi
kasing-sikip. Napapakinabangan na nga po ang terminal sa Parañaque, at
nakapila na rin ang sa Quezon City at Muntinlupa. Ang pamprobinsyang bus
ay hanggang dito nalang sa mga terminal na ito ng wala nang
makipagsiksikan sa EDSA.
At nariyan din po ang dalawang
connector road na magdurugtong sa North at South Luzon Expressway. Ang
totoo nga po, dekada sitenta pa lang, plano nang ipatayo ang tinawag
nilang Metro Manila Highway. Ito sana ang magkokonekta sa dalawang
expressway, upang hindi na kailangang bunuin ang ilang oras na biyaheng
babagtas pa sa kahabaan ng EDSA. Ang problema po: Nag-atas si Ginoong
Marcos ng mga batas na pabor sa kanyang crony. Nakatali tayo sa pagsunod
sa mga batas na ito: Sino mang magpatayo ng imprastruktura sa lugar na
iyon, dapat kasosyo ang korporasyon ng kanyang kaibigan. Masaklap po:
nae-extend ng 30 taon ang kanilang prangkisa sa tuwing magkakabit sila
ng kahit isang dipa lang ng kalsada sa orihinal. Dagdagan pa po natin:
nang kumita ang kumpanya, hindi nakumpleto ang pagpapalawig o
pagpapaunlad sa mga imprastraktura’t daan. Tandaan po niyo na dapat
umabot sa Carmen, Rosales sa Pangasinan at Lucena sa Quezon ang mga
kalsadang nabanggit at yung Metro Manila Highway o Expressway, hanggang
ngayon wala pa. Nang nalugi naman, nakuha pang ipasa sa gobyerno ang
utang. Ilalapit ko na po ito sa ating Kongreso: silipin po nating muli
ang Presidential Decrees 1113 at 1894.
Sa kabila nito, tuloy po ang
mga proyekto natin. Mayroon tayong walong kilometrong four-lane elevated
expressway na kokonekta sa C3 Road sa Caloocan patawid ng España,
hanggang sa PUP sa Sta. Mesa. Mayroon ding mahigit labing-apat na
kilometrong six-lane elevated tollway na babagtas mula Balintawak,
hanggang Buendia, sa Makati. Ang Common Alignment naman po ng dalawang
kalsadang ito, lima’t kalahating kilometrong six-lane elevated
expressway mula PUP sa Sta. Mesa, patawid sa kalagitnaan ng Osmeña at
Quirino Avenue, hanggang Buendia sa Makati. Oras na mabuksan ang
kalsada, ang biyaheng SLEX hanggang NLEX na dati’y inaabot ng dalawang
oras, kaya nang takbuhin ng labinlimang minuto. Ang Clark naman hanggang
Calamba na pumapalo noon sa tatlong oras, halos mangangalahati at
magiging isang oras at apatnapung minuto. [Applause] Kada araw,
tinatayang limampu’t limang libong motorista ang makikinabang sa mga
ito. Tipid sa oras, tipid sa gas, menos sa polusyon, lalago pa ang
komersiyo’t turismo. Talaga namang win-win situation, di po ba?
Sa loob nga po ng tatlong
taon, pinatunayan nating ang mga ahensyang dati’y pugad ng kurapsyon ay
maaaring maging ehemplo ng tapat at epektibong paglilingkod. Ilan po sa
mga simple ngunit epektibong pagbabagong isinagawa ni Secretary Singson
sa DPWH: Wala nang letter of intent, na ginagamit ng mga bidder para
magkuntsabahan; pinasimple ang proseso ng bidding, kaya mas marami nang
nagkukumpitensya para sa proyekto, at mas sulit na ang presyong nakukuha
ng gobyerno. Nasa oras na ring magbayad ang gobyerno, kaya mas
naeengganyo ang mahuhusay na contractor na makiambag sa pagtatayo ng
pambansang imprastruktura. Dahil sa tapat na pamamahala, 18.4 billion
pesos na ang natitipid ng DPWH, na inilalaan para sa iba pang
makabuluhang proyekto. [Applause]
Bilang halimbawa ng resulta ng
mabuting pamamahala, tingnan natin ang Tagumbao Bridge sa Gerona,
Tarlac. Sa totoo lang, congressman pa lang po ako, iminungkahi ko na
ito. May mga nasasakupan kasi tayong kailangan pang umikot ng dalawang
bayan para tawirin ang umaapaw na ilog tuwing tag-ulan. Sabi ko nga po
sa mga dating administrasyon: Sa inyo na ang buong PDAF ko, magawa lang
ito. Kung puwede sana installment plan. Pero wala pong nangyari. Lumawak
lang ang idurugtong ng tulay dahil sa nababakbak na pampang.
Kasalukuyan na po nating
ginagawa ang Tagumbao Bridge. At heto po ang kuwento ngayong tayo na ang
nagpapatupad nito: Nasa 334 million pesos ang aprubadong pondo; pero
dahil sa tamang pangangasiwa’t tapat na paggugol, naibaba ito sa 226
million pesos. [Applause] Suma-tutal, nakatipid tayo ng mahigit
108 million pesos nang hindi isinasakripisyo ang kalidad ng
ipinapagawang tulay. At lalong maganda pa nga po, ang natipid na pondong
ito ay magagamit sa pagpapagawa ng dike at river training works para sa
Phase II ng proyekto.
Dumako naman po tayo sa turismo. Ayon sa banyagang pahayagang Oriental Morning Post, the “Best Tourist Destination of 2012” tayo. Parang na-inlove ang Shanghai Morning Post sa ating bansa, nang binansagan nila tayong “Most Romantic Destination of 2012.” [Applause] Hopefully they will love us more. [applause] Sabi naman ng Scuba Diving Magazine, “Best Diving Destination” ang Pilipinas. [Applause] “Best Island” naman daw ang Palawan, kung tatanungin ang Travel + Leisure Magazine. Kulang na nga lang po ay tawagin na tayong paraiso. [Applause]
Hindi na po nakakapagtakang sa
mauugong na papuring tulad nito, naitala natin noong 2012 ang 4.3
million tourist arrivals sa ating bansa—isang panibagong record high.
21.4 percent na po ang inilalago ng numerong ito mula nang pumasok tayo
noong 2010, kung kailan nasa tinatayang 3.1 million na turista pa lang
ang bumibisita sa atin. Pagdating naman sa ating domestic travelers, ang
target natin dati para sa taong 2016 ay 35.5 million tourists. Pero
nitong 2011 pa lamang po, nalampasan na natin ito sa 37.5 million
domestic tourists. [Applause] Ngayon, sa momentum nating ito, tiwala tayong maaabot ang bagong target na 56.1 million bago matapos ang 2016. [Applause]
Ang mas malakas na sektor ng
turismo, manganganak ng mas maraming trabaho. Tinataya ng DOT na
nakapag-ambag ang turismo ng 3.8 million na trabaho noong 2011. Ang
totoo nga po, hindi lang mga lugar na may magagandang tanawin ang
nakikinabang sa pagdayo ng turista, kundi pati ang mga karatig-bayang
maituturing na tourism support communities: Ang mga lugar na
pinanggagalingan ng pagkaing inihahanda sa mga resort, ng mga souvenir
na ibinebenta, at ng iba pang mga produkto’t serbisyong nagsisilbing
bukal ng kaunlaran para sa mga lalawigan.
Malamang, narinig na rin po
ninyo ang mga good news na lumapag kamakailan sa bansa. Noong Marso,
inalis po ng International Civil Aviation Organization ang significant
safety concerns na ipinataw sa Pilipinas. Bunga po ito ng mga reporma sa
aviation industry upang siguruhing pasok sa pandaigdigang pamantayan
ang aviation safety sa Pilipinas. [applause] Dahil po dito, sa
wakas, noon lamang ika-10 ng Hulyo, muli nang pinahintulutan ng European
Union ang direktang paglipad ng ating flag carrier sa Europa. [Applause]
Isipin po ninyo, paano kaya
kung dati pa inayos at pinalakas ang ating aviation industry? Di po ba’t
sayang ang pagbisita ng mga turistang nawalan ng ganang dumalaw sa
Pilipinas dahil dito? Naglahong trabaho, pondo, at oportunidad—ito ang
resulta ng lumang sistema ng pamamahala.
Kaya naman, simula’t sapul,
nilabanan na natin ang katiwalian sa lahat ng antas ng pamahalaan at
isinulong ang transpormasyon sa ating mga institusyon. Ang resulta:
tunay na serbisyong pampubliko.
Tingnan na lang po natin ang
lalim ng transpormasyong nangyari sa mga GOCC. Ang dating mga kumpanya
ng bayang inaambagan mo pa dahil sa pagkalugi, naghahatid na ng
dibidendo ngayon. Gamitin po nating halimbawa ang Philippine Reclamation
Authority. Sa loob ng labintatlong taon bago tayo dumating, ang
suma-total ng dibidendo ng PRA: 676.82 million pesos. Sa tuwid na daan,
para sa 2012 lamang, ang dibidendo nila: isang bilyong piso.
Napakalaking transpormasyon, di po ba? [Applause]
Mabuting halimbawa rin ang
Local Water Utilities Administration. Noong 2011, ang recorded net loss
ng naturang GOCC: 950 million pesos. Pero dahil sa maayos na
pangangasiwa, di lang nila nagawang balansehin ang kanilang mga libro;
ayon sa kanilang report, umabot ang kanilang kabuuang kita sa 870
million pesos noong 2012. [Applause] Dahil dito, nagawa nilang makapag-remit ng 365 million pesos sa pamahalaan para sa taong iyon.
Isa pa pong halimbawa: Sa una
kong SONA, isiniwalat natin ang kuwestyunableng kalakaran sa MWSS:
patung-patong na bonus at allowance ang ibinigay sa sarili, sa kabila ng
kapalpakan nilang tugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan.
Ang ahensya na nga po ang nag-ulat: Umabot sa 34 million pesos ang
pagkalugi ng MWSS noong 2010. Hindi ito katanggap-tanggap. Kaya noong
2011, pinirmahan natin ang GOCC Governance Act, na nagsisilbing saligan
ng katapatan, kredibilidad, at pananagutan sa pamamalakad ng ating mga
GOCC. Ang ibinunga nito: Noong 2011, 333 million pesos ang kinita ng
MWSS mula sa pagkalugi ng 34 million pesos. [Applause] Noong 2012 naman po, ang kinita nila: halos dalawang bilyong piso. Kakambal nito, lumago rin ang kanilang dibidendo: [applause]
mula sa 150 million pesos noong 2011, umakyat ito sa 345 million pesos
para sa 2012. Nakakalungkot nga po, na kung ano ang lalim ng pagbabagong
itinanim ng mga pinuno ng MWSS, iyon din naman ang dumi ng putik na
ibinabato sa kanila ng mga gusto pa ring kumapit sa lumang sistema.
Kaakibat ng pagtaas ng
kumpiyansa sa ating mabuting pamamahala, ang patuloy na pag-angat ng
ating ekonomiya. Ang resulta: Dalawang magkasunod na ten-place jump sa
Global Competitiveness Index ng World Economic Forum. Sa unang
pagkakataon, nakuha natin ang investment grade status mula sa dalawa sa
tatlong pinakatanyag na credit ratings agencies sa mundo, at hindi
malayong sumunod ang ikatlo. [Applause] Napanatili ang
stabilidad ng presyo ng mga bilihin, at patuloy din ang pagbaba ng
bahagi sa ating budget na pambayad-utang, at ang paglaki naman ng
pondong nailalaan sa mga serbisyong panlipunan. Sa panahong matamlay ang
pandaigdigang ekonomiya, nagpamalas tayo ng kahanga-hangang 6.8 percent
GDP growth noong 2012. Nahigitan pa natin itong first quarter ng 2013,
kung kailan naitala ang paglagong 7.8 percent—pinakamataas na recorded
GDP sa Timog-Silangan, [applause] pati na sa Silangang Asya.
Special mention po dapat ang 28.5 percent na ambag ng manufacturing sa
inilaki ng ating ekonomiya. Inaasahan po nating aarangkada pa ang
manufacturing sa mga darating na panahon.
Tinagurian na po tayo ngayon
bilang “rising tiger,” ayon sa World Bank; “brightest spark,” ayon sa
pahayag ng Institute of Chartered Accountants in England and Wales, at
iba pang mga bansag na tumutukoy sa transpormasyong nangyayari sa ating
bansa. Mula sa matuwid na paggugol ng pondo, hanggang sa epektibong
koleksyon ng buwis; mula sa pagpapaunlad ng imprastruktura hanggang sa
maaliwalas nang pagnenegosyo na lumilikha ng trabaho, talaga namang
malinaw ang pahayag natin sa mundo: kaya nang makipagsabayan ng
Pilipinas sa agos ng kaunlaran.
Hindi lang po sa ekonomiya o
stadistika nakikita ang transpormasyon ng ating lipunan. Ngayon, alam na
ng Pilipino: Mayaman ka man o mahirap, may kakilala sa poder o wala,
kapag gumawa ka ng mali, mananagot ka. Tunay nang nakapiring ang
katarungan. Hindi mababali ang atas ng ating mga Boss: Panagutin ang
tiwali, at itama ang mali sa sistemang kaytagal nagpahirap sa ating
bayan.
Pinapanagot na po natin ang
dating namumuno ng TESDA dahil sangkot siya sa katakut-takot na tongpats
sa ahensya. Halimbawa: Ang isang incubator jar, nagkakahalaga ng 149
pesos. Pero kay Ginoong Syjuco ayon sa mga datos 15,375 pesos. Ang
normal na presyo ng dough cutter, 120 pesos. Ang presyo kay Ginoong
Syjuco: 48,507 pesos. Linawin po natin, dough cutter ito, at hindi
Hamilton Class Cutter. Baka nga po kapag hinarap na niya ang kasong
isinampa ng Ombudsman, matuto nang magbilang itong si Ginoong Syjuco.
Nakahabla po ang dating mga
opisyal ng PAGCOR na naglustay ng 26.7 million pesos para lamang gumawa
ng pelikula; nagsunog ng 186 million pesos para sa isang partylist; at
nagawa pang gamitin na pampapogi sa kampanya ang rice donations na
nakalaan sana para sa mga biktima ng kalamidad.
Hinaharap na rin po ng mga
dating pinuno ng PNP ang paratang ukol sa 131.6 million pesos na
nawaldas para sa 75 depektibong rubber boat, at 104.99 million pesos
para sa maanumalyang pagbili ng mga segunda-manong helicopter mula 2009
hanggang 2010. Mas mainam nga po kung masagot nila nang tama ang mga
tanong ukol dito, nang matukoy natin kung may iba pang dapat managot.
Sa usaping Cadavero, PDAF, MRT
3, at iba pa: Dahil hindi alam ng ilang kritiko ang ginagawa namin,
palagay nila wala kaming ginagawa sa mga isyung ito. Kung wala pang
tangan na datos ang gobyerno at ipagsigawan naming, “Iimbestigahan namin
kayo,” di ba’t para na rin naming sinabi sa mga kakasuhan na, “Paki
tago naman po ng mahusay ang lahat ng ebidensya?” Kaya: tutungo tayo
kung saan tayo ituturo ng katotohanan; ebidensya ang magdidikta sa ating
mga hakbang.
Nang inihayag nating “walang
wangwang,” hindi lang natin binaklas ang mga sirena ng mga
naghahari-harian sa kalsada; binungkal din natin ang kultura ng
katiwalian na noo’y tila nakaugat na sa mga pampublikong institusyon.
Pero magtapatan po tayo:
Hanggang ngayon, may ilan pa ring ahensya ng gobyerno na ayaw yata
talagang tumino. Nakakadismaya po ang lalim at ang pagsanga-sanga ng
kanilang mga galamay sa ating burukrasya; malingat lang tayo, pihadong
may aabusuhin at bibiktimahin na naman sila. Magpangalan na po tayo: sa
Bureau of Immigration, paulit-ulit nating pinagsabihang ayusin ang
pagbabantay sa ating mga daungan at paliparan. Pero paanong nakalabas ng
bansa ang magkapatid na Joel at Mario Reyes, ang mga pangunahing suspek
sa pagpaslang kay Gerry Ortega? Bakit nangyari pa rin na kitang-kita sa
mismong CCTV ang pagtakas ng Koreano na si Park Sungjun? Wanted po siya
sa Korea, at nanghingi ng tulong ang kanyang gobyerno upang hulihin
siya. Anong mukha naman po ang ihaharap natin gayong mismong mga kawani
ng ating gobyerno ang naghatid sa kanya at hinayaan siyang makatakas?
Nakakatuyo din po ng pasensya
ang kultura ng “pwede na” sa National Irrigation Administration. Imbes
na maglatag ng plano para sa mga bagong patubig, kuntento na sila sa
paulit-ulit na rehabilitasyon ng mga irigasyon. Masabi lang na may
nagawa, kahit puro patsi-patsing trabaho, masaya na sila. Noon nga pong
kanilang anibersaryo, itinanong ko kung bakit nasa 60 percent na naman
ang kanilang target ang naabot noong 2012, kung umabot na sila sa 87
percent noong 2011. Kinabukasan, nagkita kami ng magaling nilang
administrador sa NEDA Board meeting. Ang sabi niya sakin, “Sir, ang
dahilan kaya 60 percent lang, 40 percent daw po kasi ng target nila ay
para sa Mindanao, bagyong Pablo ang dumating at tinamaan kaya na-delay
sila ng 40 percent.” Kailan po ba tumama ang Pablo? Noong unang linggo
ng Disyembre. Ibig sabihin, binalak niyang tapusin ang 40 percent ng
kanyang trabaho para sa taon, sa loob lamang ng tatlong linggo. Hindi po
natin kailangan ng ganitong uri ng pamamahala sa loob ng burukrasya.
Para namang nakikipagtagisan
sa kapalpakan itong Bureau of Customs. Imbes na maningil ng tamang buwis
at pigilan ang kontrabando, parang walang pakundangan ang pagpapalusot
nila ng kalakal, pati na ng ilegal na droga, armas, at iba pa sa ating
teritoryo. Tinataya nga po ng Department of Finance na mahigit 200
billion pesos ang kita na dumudulas lang at hindi napupunta sa kaban ng
bayan. Saan po kayo kumukuha ng kapal ng mukha ang mga kawani sa
ahensyang ito? [Applause] Marami pong gabi bago ako matulog,
kulang na lang ay sabihin nilang, “Wala akong pakialam kung mapunta sa
masasamang loob ang armas; wala akong pakialam kung ilang buhay ang
masira ng droga; wala akong pakialam kung habambuhay na matigang ang mga
sakahan. Ang mahalaga, yumaman ako; bahala ka sa buhay mo.” Hindi
maaaring ganito ang kalakaran sa pamahalaan. Kung hindi mo nagagawa ang
iyong trabaho, hindi ka karapat-dapat na manatili sa pwesto. [Applause]
Kung matino kang kawani ng
Bureau of Immigration, ng National Irrigation Administration, ng
Customs, o ng kahit ano pang ahensya ng gobyerno, sana makiambag ka pa
lalo. Hindi sapat na yumuko sa loob ng cubicle; bahagi ng trabaho mo ay
ang pagpigil sa mali. Nasa tama kayo, kaya’t huwag po kayong magtago;
padaliin ninyo ang pagnanais kong mahanap kayo; paaangatin ko kayo nang
paaangatin upang ibandila ang inyong mabuting ehemplo, at mabago na ang
maling kultura sa inyong mga naturang ahensya. [Applause]
Para naman po sa mga kawaning
walang balak tumalikod sa kulturang wangwang: Tapos na ang pakikiusap.
Nagkaroon kayo ng tatlong taon para ipakitang handa kayong umayos;
ngayon, hahanapin, kung hindi pa kayo nahahanap, pero ‘yung ‘di talaga
mahahanap, lalahatin na po natin kayong lahat; ngayon, pasensyahan
tayo. [Applause]
Isabay na rin po natin sa
pagbabago ang mga tiwaling miyembro ng Civil Service. Panahon pa lang po
ng nanay ko, narinig ko na ang hirit na, “Ano ngayon kung utos ng
Malacañang? Anim na taon lang kayo diyan.” Kailangan pong itama ang
ganitong klaseng pag-iisip. Nananawagan po ako sa Kongreso: suriin natin
ang ating Civil Service Code at PD 1, [applause] upang
maisaayos ito sa lalong madaling panahon. Suportado ko ang pagbuo ng
mekanismong magbabalik sa dangal ng serbisyo-publiko; na tanging mga
tapat, mahuhusay at may prinsipyong mga lingkod-bayan lamang ang
maaaring makapasok at manatili sa gobyerno.
Ngayon naman po, hayaan natin ang ating mga kababayang magpahayag ng transpormasyong nangyayari sa lipunan:
[Video starts]“Ako po si Violeta S. Abuque. ‘Yong buhay po namin noong walang Pantawid Pamilya, dahil nga sa hirap ng buhay, wala kang puwedeng lapitan, wala kang puwedeng gamitin na pera. Saan ka lumapit, walang puwedeng magpahiram sa’yo dahil sila rin po, mahirap rin sa buhay.“Laking tuwa po namin nang biglang nagkaroon po ng programa ‘yong DSWD, naabot po kami sa kabundukan. Magiging katuwang ko siya para makapag-aral nang maayos ang mga bata.“Namulat po talaga kami na kailangan palang tustusin ‘yung mga bata sa pag-aaral, para hindi na magaya sa mga ninuno namin na kahit pangalan lang po ay hindi maisulat.“Nagpapasalamat po talaga ako, unang-una, sa Pantawid Pamilya, sa mga sumuporta po nito.”— Violeta S. Abuque, CCT beneficiary“‘Yong dati’y sila’y pumapasok noon na medyo walang baon. Eh noong magkaroon na kami, may baon na sila, nag-aalmusal na.“Kailangan ‘yong kasama doon sa kasunduan, magampanan mo talaga. Siyempre, kailangan pagyamanin mo rin ‘yong tulong niya, gumawa ka rin ng paraan kung paano mo pa madadagdagan. Kaya gumagawa kami ng anak ko, tulong kami, na ang peanut butter binebenta namin linggo-linggo.“Nagpapasalamat po ako na napabilang ako sa isa sa Pantawid na programang ito, kasi malaking tulong po ito sa aming pamilya.”— Dulce Panaligan, CCT beneficiary“Para matustusan din po ‘yong paghahanap ko ng trabaho, nagbalik po ako bilang magbabalut. May free training daw si TESDA. Binasa ko ‘yong impormasyon tungkol doon, at hanggang sa magpa-register po ako. Masaya po ako sa naitulong ng TESDA program, dahil, nalaman ko na kung ano siya, ‘yong trabahong ginugusto ko. At saka, nagagamit ko na siya ngayon sa ikauunlad ko pa at ikatututo ko pa, habang ginagawa ko po ‘yong trabaho ko.— Emerson Paguia, TESDA scholar“April 2 po, 6:45 ng umaga, papunta po ako ng PCR review center. May nakasakay po ako na holdaper sa jeep. Sa taas po ng Nagtahan flyover, nag-declare po siya ng hold-up. Tinutukan niya po ako ng kutsilyo. Nakipaglaban po ako, nasaksak niya po ako sa hita, naagaw ko po sa kanya ‘yong kutsilyo, at noong bago po siya bumaba ng jeep, nasaksak ko po siya sa likod. Pagbaba po niya ng jeep, hinabol ko po siya, parehas po kaming duguan. ‘Yun po siguro ‘yong nakatawag pansin po sa taongbayan para mahuli po yung holdaper.“Inisip ko rin po ‘yong sinumpuang-serbisyo ko sa taong-bayan. Sa kapwa ko pulis: Gumawa lang po tayo ng tama, at kung ano ‘yong mabuti para sa kapakanan ng ating bayan—at the same time po, magiging reflection ng ginagawa natin sa PNP.”— PO3 Edlyn Arbo“Na-assign ako dito sa Police Station 4, 2006, hanggang 2012. Noong nakaraang Sabado, ‘yung binigay na baril sa akin ng ating Pangulo ay nagamit ko na sa pagdakip ng isang notorious na bukas-kotse dito sa Bacolod City. Binigyan ako ng spot meritorious promotion ng ating Pangulo, dahil siguro sa apprehension ko ng mga most wanted na criminal dito sa Bacolod City.“Nagtatrabaho tayo, kahit na mahirap, kahit na ang buhay natin ay ating itataya, para lang makapagsilbi tayo sa ating kapwa at sa bayan.”— PO3 Felipe Moncatar“Noong nasiraan ako dito sa may Quezon Avenue, bago mag-tunnel, after fifteen minutes may dumating na, I think he’s a policeman. Pero ‘tong pulis na ‘to, tinulungan talaga ako. He even tried to lift the car with his bare hands. So I was thinking na baka, eventually, humingi ng pera ‘to. Then dumating ‘yong wrecker, rine-wreck na ‘yung sasakyan ko, tinotow na kaagad. Sabi ng pulis: No, tulong muna bago hatak.“Out of my gratitude, binibigyan ko siya ng 1,000 kasi tinulungan niya ko. Pero ‘di niya tinanggap. Ang sagot niya sa’kin: Ang trabaho namin ay tumulong sa mamamayan.“May pagbabago na sa ating mga kapulisan. Para kay PO Sultan: I salute you.”— Armin Punzalan, businessman“Sa ngayon, ‘yong tinatawag nating modernization program ng Navy, hindi lang naman gamit ‘yan e. Kaakibat na rin yung para sa mga welfare sa mga tao natin. At nakikita naman namin—hindi lang ako, sampu ng aking mga kasama sa Hukbong Dagat ng Pilipinas: Natutuwa kami sa mga changes na nakikita namin. ‘Yong tuwid na daan ng ating Pangulo, talagang nararamdaman talaga namin. Masaya kami ngayon; wala na kaming hihilingin pa. Kaya sabi ko sa mga kasama ko, ibinibigay na sa’tin ng gobyerno lahat. Gawin naman natin trabaho natin, at ibalik natin para sa bayan, para sa mga tao.”— Lt. Commander Desuasido, Philippine Navy[Video ends]
[Applause]
Ni minsan, hindi naman
nagkulang ang bansa natin ng mga taong handang manindigan at lumaban,
kahit gaano pa kalaki ang mga pagsubok sa kaniyang harapan. Nariyan ang
tapang na ipinamalas ni Commodore Ramon Alcaraz noong Ikalawang Digmaang
Pandaigdig. Lulan ng isang Q-Boat na yari sa kahoy, sinagupa niya ang
siyam na Zero fighter ng hapon, na itinuturing noon na isa sa
pinakamodernong eroplano; tatlo nito ang napabagsak niya. Ang totoo nga
po, tuluy-tuloy pa rin siyang lalaban, kung hindi pa ang sarili niyang
mga pinuno ang nag-atas sa kanyang sumuko. Ang kagitingang ito ang
araw-araw ding ipinapamalas ng mga sundalo nating nagtatanod sa mga
pinakaliblib na kabundukan, at sa pinakamalalayo nating isla; mga kawal
na tinitiis ang layo sa pamilya, at taas-noong naninindigan sa sinumang
sumusubok sa ating soberanya. Hindi rin po kalabisang isiping ang mga
tagumpay natin sa tuwid na daan ay maaaring pangarap pa rin hanggang
ngayon kung wala ang mga miyembro naman ng ating Gabinete. Nang inalok
ko silang maging bahagi ng ating pamahalaan, alam nilang hindi magiging
madali ang kanilang trabaho. Subalit maituturing na biyaya na tinanggap
nila ang hamon, nanumpa silang tutulong sa transpormasyon, at simula’t
sapul, araw-araw silang nagsasakripisyo upang hindi masayang ang
pribilehiyong paglingkuran kayo.
May mga katulad ni Kalihim
Albert del Rosario. Kung ibabase sa tradisyon, ang unang opisyal na
biyahe sa labas ng Pilipinas ng isang kalihim ay sa mga bansang may
matibay at mapayapa tayong ugnayan. Ngunit pagkatapos niyang manumpa
bilang Foreign Affairs Secretary, kumuha lang yata ng pambihis, lumipad
agad si Secretary del Rosario patungong Libya; dumaan sa mahigit
dalawampung checkpoint sa gitna ng putukan, at pinamunuan ang paglikas
ng mahigit dalawampung libong Pilipino na naipit sa kaguluhan sa Libya. [Applause]
Baka po magulat kayo pag narinig ninyo kung taga-saang bansa ang mga
banyagang nakiangkas pa sa ating paglilikas. Iba na nga po ang Pilipinas
ngayon: Imbes na tayo lang ang parating tinutulungan, ngayon, kaya na
rin nating tumulong sa mga dayuhan. [Applause]Kung tutuusin, maaari
namang tanggihan ni Secretary Albert ang pagtatrabaho sa gobyerno. Isa
siyang respetado’t matagumpay na negosyante, at tiyak na mas magiging
komportable siya sa pribadong buhay. Dati na rin po nating siyang
nakiambag bilang ambassador sa Amerika. Puwede naman siyang nadismaya
nang pababain siya sa puwesto, dahil tinutulan niya ang pagdeklara ng
State of Emergency ng nakaraang administrasyon noong 2006. Pero tinawag
po natin siya para bumalik, at tumugon siya. Ngayon po, nagbibigay siya
ng mas malaki pang ambag bilang kalihim. Handa niyang ilagay ang sarili
sa panganib, dahil alam niyang walang ibang sasaklolo sa Pilipino kundi
ang kapwa rin Pilipino. Sa patuloy mong paninindigan para sa ating
karapatan, saludo po ako sa inyo, Secretary Albert del Rosario. [Applause]
Transpormasyon din po ang
dulot ng inspirasyong hatid ng matitinong lingkod-bayan. Nagluksa ang
milyun-milyong Pilipino sa pagpanaw ni Jesse Robredo. Sa loob ng halos
dalawang dekada, namuno siya nang may husay, malasakit, at
pagpapakumbaba sa Naga. Ang mga prinsipyong ito nga mismo ang dahilan
kung bakit hiniram natin siya mula kay Congresswoman Leni, at sa tatlo
nilang mga anak, at sa mga Nagueño, upang maging bahagi ng ating
Gabinete. Kaya nga po, matapos ang trahedya, isa na siguro sa
pinakamahirap na tungkuling ginampanan ko ang paghahatid ng balita kina
Leni at kanilang mga anak.
Bukod sa pagluluksa, hindi ko
maiwasang sisihin ang sarili ko dahil sa sinapit ni Jesse. Baka kung
hindi ko siya hinikayat mapabilang sa Gabinete, buhay pa siya ngayon.
Baka kung nanatili na lamang siya sa Naga, kapiling pa natin siya. Baka
may isa pa ring Jesse Robredo na naglilingkod ngayon.
Subalit sa isang banda, alam
kong hindi hahayaan ni Jesse na tumigil sa kanya ang pagbabago at
pagtutuwid ng lipunan. Nabigyan lamang ako, at nabigyan din lamang si
Jesse, ng pagkakataong maglingkod sa bansa dahil sa inyo. Hindi nag-iisa
ang mukha ng pagbabago. Hindi na aabutin pa ng isandaang taon bago
isilang ang susunod na mabuting tao, bago tumindig ang susunod na
mabuting Pilipino.
May mga nagtatanong nga po
lagi sa akin: Paano na sa 2016? Paano pag bumaba ka na? Tapos na rin ba
ang tapat na pamamahala? Tapos na ba ang tuwid na daan?
Mga Boss, isipin nga po natin:
Saan ba tayo nagmula? Kung may agam-agam kayo ngayon, ano ba naman ito
kumpara sa agam-agam natin noong 2010? Di ba’t masaya na tayo noon na
tapos na ang panahon ng kadiliman? Di ba’t noon, sapat nang mapalitan
ang mga nasa kapangyarihan?
Ngayon, tinatamasa na natin
ang pagbabago. Mula ito sa mga butil ng malasakit, ng pakikipagkapwa, ng
pagkakawang-gawa; nanggaling ito sa milyun-milyong Pilipinong kahit sa
pinakapayak na paraan, ay nagkusang makiambag sa transpormasyon ng
bansa.
Sa pag-aambagang ito, tingnan
ninyo ang ating narating: May nakaisip bang magiging abot-kamay na ang
kapayapaan sa rehiyong apatnapung taon nang pinupunit ng hidwaan? Di
ba’t gawa ito ng mga Morong handang magbaba ng armas at sinabing,
halika, mag-usap na tayo, nagtitiwala ako? Di ba’t gawa ito ng
karaniwang mamamayang nagsabing, Kapatid, pareho tayong Pilipino, tama
na nga ang gulo? [Applause]
Nang unang iminungkahi ang
Pantawid Pamilya, nariyan ang tanong: Paanong maaabot ang kailangan
nitong epekto; nasaan ang pondo para masaklaw ang lahat ng maralitang
Pilipino? May nag-akala bang, matapos lamang ang tatlong taon, aabot sa
halos apat na milyong kabahayan ang nagiging benepisyaryo nito? At di
ba’t sila rin—ang bawat inang gumigising nang maaga para ipaghanda ang
anak niyang papasok sa eskuwela, ang bawat batang nag-aaral nang
mabuti—di ba’t sila rin ang nakiambag at patuloy na nakikiambag para
magtagumpay ang programang ito?
May nag-akala bang mula sa
pag-aangkat ng milyun-milyong toneladang bigas, sa pagtatapos pa lang ng
2012 ay 94 percent rice self-sufficient na tayo? May nag-akala bang ang
dating “Sick Man of Asia,” sa loob lamang ng tatlong taon ng tapat na
pamamahala, ay nasa investment grade status na? Sino nga po ba ang
nag-isip na maipapatupad ang lahat ng serbisyong panlipunan natin
ngayon, nang di nagtataas ng buwis maliban syempre sa Sin Tax? Di ba’t
nakiambag dito ang bawat accountant, doktor, abugado, na ngayon ay
nagbabayad ng tamang buwis? Di ba’t nakiambag tayong lahat dito?
May puwang pa ba para sa mga
agam-agam? Ngayon pa bang natutupad na ang mga dating ni hindi natin
magawang pangarapin, ngayon pa bang nakausad na tayo, at abot-kamay na
ang ating mga hangarin—Boss, ngayon pa ba tayo magdududa?
Sa bawat Pilipinong
nagtitiwala sa kapangyarihan ng maliliit na anyo ng kabutihan: Kayo nga
po ang gumawa ng pagbabago. SONA po ninyo ito.
Sa bawat gurong bumabangon
nang madaling-araw para magturo sa kanayunan: SONA mo ito. Sa bawat
pulis na nagsilbi at hindi nanghingi ng kapalit: SONA po niyo ito.
Sa mga hindi panatag sa
listahan ng mga tatakbo sa halalan, at kinatok ang kapitbahay para
sabihing, “Huwag tayong makuntento, magtulungan tayong humanap ng
karapat-dapat na pinuno,” SONA mo ito.
Sa bawat estudyanteng mulat sa
mga napapanahong isyu sa lipunan, at sa halip na magreklamo lang sa
Facebook ay nagmumungkahi ng solusyon: SONA mo ito. [Applause]
Kay Brigadier General Ramon
Mateo Dizon, paretirong pinuno ng Presidential Security Group, na kasama
ko na noon pa, laban sa mga kudeta noong panahon ng nanay ko: Hanggang
sa aking pagkapangulo, pinangalagaan mo ang seguridad ko, pati na ng
personal at opisyal kong pamilya. Buong kumpiyansa akong pumunta, sa
ibang bansa man o sa mga liblib na sulok ng Pilipinas. Chito, nakiambag
ka rin sa pagbabago; tunay kang tapat sa watawat, sa Saligang Batas, at
sa sambayanang Pilipino. [Applause] Siyempre, kung di ka
inalalayan ng iyong butihing maybahay na si Jo-ann, hindi mo naabot ang
iyong mga tagumpay. SONA ninyong dalawa ito. [Applause]
At sa lahat ng mga gumising sa
nagtutulug-tulugan, sa mga nagmulat sa mga nagbubulag-bulagan, sa mga
kumalampag sa mga nagbibingi-bingihan: SONA po ninyo ito. [Applause]
Mahaba pa ang ating
lalakbayin, at hindi natin kailanman sinabing madali o walang mga
hadlang sa landas na ito. Subalit wala akong duda sa kakayahan nating
lampasan ang anumang barikada. Hindi tsamba ang mga tagumpay na
tinatamasa natin ngayon; huwag tayong papayag na maging panandalian
lamang ang transpormasyon. Samantalahin natin ang pagkakataon upang
gawing permanente ang pagbabago.
Ito po ang aking ikaapat na
SONA. Noong ako’y Congressman, ang mga taga-Tarlac ang aking lakas; nang
ako’y maging Senador, at hanggang ngayon, sa aking pagkapangulo,
nariyan ang sambayanan—Pilipinas, kayo ang aking lakas. [Applause]
Sa patuloy nating pag-aambagan at pananalig sa kapwa at sa Maykapal,
sinasabi ko po sa inyo: Kayo pa rin ang sisigurong magpapatuloy ang
ating nasimulan; kayo ang sisigurong mabubura na nang tuluyan ang mga
mukha ng katiwalian; kayo ang sisigurong hinding-hindi na tayo muling
lilihis sa tuwid na daan.
Sinabi po sa akin dati:
Noynoy, simulan mo lang at sinimulan nga po natin, at ngayon,
kitang-kita na ang layo ng ating narating. Ngayon, Pilipino, ituloy
natin ang pagkakapit-bisig, sabay nating arugain, pabilisin, at
palawakin ang transpormasyon ng lipunan. Ako po si Noynoy Aquino;
ipinagmamalaki ko sa buong mundo: Pilipino ako. At talagang napakasarap
maging Pilipino sa panahong ito.
Maraming salamat po. Magandang hapon sa inyo. [Applause]
source: http://www.gov.ph/2013/07/22/benigno-s-aquino-iii-fourth-state-of-the-nation-address-july-22-2013/
MAHUSAY BALITA PARA SA LAHAT
ReplyDeleteGusto kong ipaalala sa lahat ng mga naghahanap ng internet loan na mag-ingat, may mga online scam loan sa lahat ng dako, magpapadala sila ng mga pekeng dokumento sa iyo at sasabihin nila na walang bayad, hihilingin ka nila na magbayad ng bayad sa lisensya at mga pagbabayad sa transfer, kaya maingat.
Ang lahat ng mga pekeng nagpapahiram ay may maraming pagkakatulad na nakikita ko at inilista sa ibaba
Karamihan sa kanila ay mayroong mga gmail account
Ang bawat tao'y may nakakumbinsi na kapangyarihan
Ang bawat tao'y may pekeng larawan sa profile ng isang babae na may suot na belo
Lahat sila ay nagbibigay ng isang 2% rate ng interes
Walang limitasyon sa halagang maaari mong hiramin
Ang mabuting balita ay natagpuan ko ang isang wastong online lending firm. Hindi ako narito upang mangaral ngunit upang matulungan ang mga tao na makakuha ng tunay na pautang. Kung ikaw ay interesado sa pagkuha ng pautang, makipag-ugnayan lamang sa kanila (dailypayloan@yahoo.com) o padalhan ako ng personal na e-mail (zaradam@yahoo.com).